Home / Lifestyle / 3 sinuspindeng alkalde sa Camarines Sur, nagpakalbo bilang protesta

3 sinuspindeng alkalde sa Camarines Sur, nagpakalbo bilang protesta

Nagpakalbo ang mga alkalde mula Camarines Sur na sina Bernard Brioso (mula sa kaliwa), Tomas Bongalonta Jr., Nelson Buesa bilang protesta. Rizza Mostar, ABS-CBN News

NAGA CITY—Sa pananaw ng tatlong kasalukyang alkalde ng mga bayan sa Camarines Sur sinuspinde sila dahil lamang sa pulitika, kaya naman nagpakalbo sila kasama ang kanilang mga taga-suporta bilang protesta nitong Lunes.

Pare-parehong kaalyado ng mga alkaldeng sina Bernard Brioso ng Libmanan, Tomas Bongalonta Jr. (Pili), at Nelson Buesa (Garchitorena) si Gov. Migz Villafuerte, ngunit pagod na raw silang makipaglaban sa korte, lalo pa't pulitika umano ang nasa likod ng suspensiyon at mas malaki ang binabanggang opisyal.

Kaya sa pinakasimple umanong paraan ay ipapakita nila ang protesta laban sa pang-aabuso ng mga nasa poder — ang magpakalbo.

Suspendido ng anim na buwan mula Oktubre 9 dahil sa pagbigay ng permiso sa isang resort kahit hindi umano sumunod sa proseso ng Department of Environment and Natural Resources si Brioso. 

Si Bongalonta, 90 araw ang suspensyon noong nakaraang taon sa kasong administratibo pero pinakinggan ang apela sa Malacañang. Sa parehong kaso napaalis sa puwesto si Buesa na nakabalik din agad sa ikatlong araw.

Ani Bongalonta: "Wala akong kasalanan na alam kong kasalanan. Kung may nagawa akong kasalanan, bakit hindi ako kausapin? Walang meritong mga kaso, kinasauhan kami para lang suspendihin?" 

Kuwento naman ni Buesa: "Kinausap nila akong lumipat. Nung hindi ako pumayag, ibinaba ang suspension para pahirapan yung hindi sa kanila." 

Ang pagpapakalbo ang nakita nilang paraan para maiparating ang kanilang saloobin at mga hiling na magkaroon ng pagbabago sa probinsiya.

"Magkaisa tayo na matigil ang paghahari-harian," dagdag ni Buesa.

"Hindi lang dito sa probinsya ipaabot natin sa Malacañang," ani Brioso.

Dagsa rin ang sumuporta sa tatlong alkalde. Ayon pa sa isa, kasing-gulo raw ng dating buhok niya ang pulitika sa probinsya.

Sinubukan naman ng ABS-CBN News na makuha ang reaksyon ni Villafuerte, pero hindi ito sumasagot sa anumang tawag.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*