Home / Sports / Boxing: Nietes ikinuwento kung saan nanggaling ang palayaw na 'Ahas'

Boxing: Nietes ikinuwento kung saan nanggaling ang palayaw na 'Ahas'

Sa darating na Sabado, susubukang umukit ng kasaysayan ang longest reigning Filipino world champion na si Donnie “Ahas” Nietes.

Makakaharap niya ang Thai contender na si Komgrich Nantapech para sa vacant IBF world flyweight championship. 

Dati nang naging WBO mini flyweight at WBO light flyweight champion si Nietes. 

Kapag nanalo siya sa Sabado, makakahanay na niya sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr. bilang isa sa iilang Pilipino na nakapanalo ng higit sa dalawang world titles.

Nakausap ng ABS-CBN News si Nietes nitong Miyerkoles para sa isang maikling panayam tungkol sa darating niyang laban.

Bakit nga ba “Ahas” ang nickname mo? 

Kasi dati, pag-start ko ng professional boxing nagdadala ako ng ahas sa boxing ring. Pero ngayon hindi ko na dinadala kasi malaki na siya, so hindi ko na binubuhat sa ring kasi mabigat na.

Ano ang trabaho mo bago ka pumasok sa boxing? 

Dati, janitor ako dito sa ALA boxing gym. Iyong ahas ng manager ko, ako nag-aalaga noon. Then huminto ako mag-janitor, so nag-boxing na ako. Simula noon, dinala ko na iyong ahas sa ibabaw ng ring. Sabi ko parang gimmick ba, para iba tingnan pag-akyat ng ring may dala kang ahas.

Ikaw ang Filipino boxer na may pinakamahabang termino ng pagiging champion, nalagpasan mo ang record ni Gabriel “Flash” Elorde. 

Ano ang sikreto mo sa iyong tagumpay?

Wala namang sikreto. Sa akin lang ‘pag may laban ka training lang talaga at nananalig sa Panginoon. Iyon lang talaga ang sikreto, training lang palagi, huwag pabayaan. May self discipline at ang weight kelangan i-maintain. Iyon lang ang sikreto ko.

Ano ang inaasahan mo sa laban mo sa Sabado? 

Siyempre hindi ako nag-a-underestimate ng kalaban. Kasi lahat ng laban iniisip ko na magaling, kasi nag-train din siya at gusto niya kong talunin. Magandang laban ito at balita ko knockout artist.

Ano ang masasabi mo sa pagiging inspirado raw ng mga Thai boxers dahil sa pagkapanalo ng isang kababayan nila kontra Roman Gonzalez? 

Kaya nga hindi tayo dapat magkumpiyansa doon sa Thailander para makuha ko iyong titulo sa pangatlong dibisyon.

Ano ang pakiramdam na isang panalo na lang ang kailangan mo para maging kahanay nina Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr.? 

Excited ako na maging katulad ni Manny Pacquiao at Donaire na nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao. Sana makuha ko na nga ito.

Palagay mo ito na ang magbibigay ng tsansa na makukha ng mas magagandang laban pa sa mga katulad nina Gonzalez, Zou Shiming at Juan Francisco Estrada?

‘Pag nakuha ko ito, siguro pwede na tayong lumaban sa may mga pangalan para lalo namang makilala tayo bilang world champion.

Anong mensahe mo sa iyong mga fans para sa darating mong laban? 

Sa lahat ng boxing fans, sana suportahan n’yo ako sa coming Saturday April 29, Pinoy Pride 40. Sa mga taga-Luzon, Visayas, Mindanao, iniimbitahan ko kayong manood. Maraming-maraming salamat!

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Let’s block ads! (Why?)

Sports

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*