Home / Business / Grupo ng employers, humingi ng panahon para ipatupad ang bagong income tax

Grupo ng employers, humingi ng panahon para ipatupad ang bagong income tax

Maraming kompanya ang hindi kayang ihabol sa suweldo sa Enero 15 ang mas mababang withholding tax.

Ayon sa People Management Association of the Philippines (PMAP), isang grupo ng human resource heads, kailangan kasi ng panahon para isaayos o i-adjust ang computer system ng mga kompanya para tumalima sa bagong sistema ng pagbubuwis.

“No one will lose a peso… kunwari if you’re [earning] below P250,000 a year, you will get the benefit,” ani Ramon Segismundo, presidente ng PMAP.

Sinabi rin ng PMAP na hindi puwedeng gawin ng mga kompanya na sa Disyembre o sa dulo ng taon na lang aayusin ang income tax ng mga empleyado.

“Irresponsible employers can do that, but [a] responsible employer will implement it in the earliest possible time,” ani Segismundo.

Nakiusap naman ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na bigyan pa sila ng kaunting panahon para maipatupad ang mga pagbabago sa buwis ng mga empleyado at makasunod sa bagong batas.

Saad ng pahayag ni Doland Dee, presidente ng ECOP: “The complaints are valid insofar as having to reprogram. Perhaps, BIR can give some leeway for implementation latest by February. We’ll see what can be done.”

Paliwanag naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi na kailangan ng revenue regulation dahil nasa website na nila ang patakaran na dapat sinimulan noon pang Enero 1.

“Maaari po ang dahilan is hindi pa ready ang I.T. system nila, or ang mga payroll system or advance nilang nai-compute ‘yan, dapat po is ire-readjust” ani Marissa Cabreros, tagapagsalita ng BIR.

Ayon din kay BIR Commissioner Caesar Dulay, hindi dapat idahilan ang isyung teknikal sa sistema ng kalkulasyon ng kompanya dahil puwede naman daw gawing mano-mano ang pag-compute sa take-home pay ng mga empleyado.

Sabi rin ni Dulay, puwedeng isumbong sa BIR ang mga kompanyang hindi susunod sa bagong income tax system.

Pero tiniyak ng BIR na kahit sa Pebrero o sa kalagitnaan pa ng taon babaguhin ang withholding tax ng mga empleyado, dapat retroactive ang pagiging epektibo nito o ibig sabihin, magsisimula pa rin ang kuwenta sa Enero 1.

Ayon naman sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), dapat masampolan ang pasaway na employers lalo na ‘yong mga may kinaltas na sobrang withholding tax.

Saad ng pahayag ng ALU-TUCP: “Hinihikayat namin na manghuli at magsampol ang BIR ng mga abusadong employers lalong lalo na ‘yung mga lumalabag sa rules and regulation upang maging patas ang batas para sa mga employees, para sumunod ang lahat sa batas at maging kapakipakinabang ang TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) para sa mga manggagawa.”

Sa ilalim ng bagong batas, wala nang kaltas na income tax ang may kabuuang sahod na P250,000 kada taon o tinatayang P20,833 kada buwan.

May bawas din ang buwis ng mga self-employed o professionals na tumatanggap ng talent fee o professional fee.

Kung dati, kinakaltasan sila ng 10 hanggang 15 percent na tax, ngayon ay 8 percent na lang ang income tax na ipapataw sa kanila.

— Ulat nina Alvin Elchico at Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

Business

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*