Home / Business / Minimum na pasahe sa jeep, binalik muna sa P9

Minimum na pasahe sa jeep, binalik muna sa P9

Ipinag-utos ngayong Lunes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ibalik sa P9 ang minimum na pasahe sa mga jeep.

Sa isang resolution, iniutos ng LTFRB na ibaba sa P9 ang minimum fare sa mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, Mimaropa, at Calabarzon mula sa kasalukuyang P10 simula sa kalagitnaan ng Disyembre.

Dahil "provisional" o pansamantala ang P9 minimum pasahe, hindi na kailangan ng mga tsuper na kumuha ng fare matrix.

Bago nito, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na inutusan sila ni Transportation Secretary Arthur Tugade na magpulong ukol sa tapyas-pasahe kasunod ng serye ng mga bawas sa presyo ng produktong petrolyo kamakailan.

Inaprubahan noong Oktubre ng LTFRB ang hiling ng mga transport group na itaas ang minimum na pasahe sa mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Luzon.

Sinimulang ipatupad ang P10 minimum fare noong Nobyembre 2.

Bukod sa pasahe, ilang consumer group ang humirit sa Department of Trade and Industry na babaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod din ng kamakailang serye ng bawas sa presyo ng petrolyo.

Nagsimulang magpatupad noong nagdaang weekend ang ilang kompanya ng langis na panibagong tapyas sa presyo ng kanilang produkto. Ito ang ikawalong sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo.

— May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*