Home / Lifestyle / 'No. 1 suplayer ng droga' sa Fairvew, QC timbog

'No. 1 suplayer ng droga' sa Fairvew, QC timbog

Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinasabing nangungunang suplayer ng ilegal na droga sa Fairview area.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng QCPD Station 5 ang isang bahay sa Greater Fairview, kung saan hinuli ang target ng kanilang operasyon na si Luiz Tagala.

Si Tagala ang tinuturing na "top one" na suplayer ng shabu sa mga barangay sa lugar, sabi ni QCPD Station 5 chief Superintendent Benjamin Gabriel.

Dalawang beses na rin daw nakapag-test buy ang QCPD Station 5 kay Tagala ng shabu kaya nakapaglabas ng search warrant laban sa kaniya, sabi naman ni Chief Inspector Dondon Llapitan.

Narekober sa operasyon ang isang baril, 16 na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Bukod kay Tagala, isang lalaki rin ang naaresto sa operasyon.

Inaalam naman ngayon ng pulisya kung sino pa ang ibang mga kasabwat ni Tagala.

Samantala, sa loob ng nakaraang siyam na araw, umabot na sa 211 ang kabuuang bilang ng mga nahuli ng QCPD sa iba-ibang barangay sa lungsod na idinadawit sa droga.

Nasa P7 milyon halaga ng shabu na rin ang narekober mula sa mga operasyon.

Nasa 23 barangay naman sa lungsod ang naideklara nang "drug cleared" mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, ayon kay QCPD director Chief Superintendent Joselito Esquivel.

Sa anibersaryo ng QCPD nitong Miyerkoles, pinuri ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang kampanya kontra ilegal na droga.

Subalit nagbabala rin siyang hindi siya magdadalawang-isip na sibakin ang mga pulis na dawit umano sa mga ilegal na aktibidad.

–Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*