Home / Lifestyle / OFW, maysakit, nabiktima rin ng nagpanggap na dollar 'money changer'

OFW, maysakit, nabiktima rin ng nagpanggap na dollar 'money changer'

Lumantad nitong Huwebes ang dalawa pang biktima ng inireklamong suspek na umano’y nagpapanggap na money changer na nagpapalit ng dolyar sa malaking halaga, sabay biglang mawawala tangay ang perang ipinagkatiwala.

Ayon sa overseas Filipino worker na si Glazarr Velasco, nabiktima rin siya ni Arvin Atendido matapos siyang alukin ng suspek ng mas mataas na palitan para sa kaniyang $ 1,065.

At nang maibigay na ang pera, bigla na lang nawala ang suspek.

Nakilala ni Velasco si Atendido sa isang mall sa San Mateo, Rizal kung saan nakunan pa ng CCTV ng isang fast food restaurant ang pag-uusap ng biktima at ng suspek.

Nagtungo na sa pulisya si Velasco at inihahanda na rin ang kaso laban kay Atendido. 

Sa isang mall naman sa Marikina, nakilala ng biktimang si alyas “Armanda” si Atendido na nagpanggap ring bumibili ng dolyar sa mas mataas na halaga.

Nakumbinsi ni Atendido si Armanda na i-refer ang suspek sa isang kaibigang may sakit.

Nakunan din ng CCTV ng mall si Atendido noong araw na nabiktima umano sila. 

Ayon kay Armanda, $ 5,000 o nasa P250,000 ang natangay ng suspek sa anak ng kaibigan niya.

Pero ang masaklap, si Armanda ang nag-abono sa nakuhang pera dahil siya ang nag-refer sa suspek sa biktima. 

Desididong magsampa ng kaso ang dalawang biktima. 

Sinubukan ng news team na makapanayam ulit si Atendido pero tumanggi na siyang humarap sa camera.

Gayunman, sinabi niya sa isang text message na nasa ospital siya at nagpapagamot.

Sabi pa niya, marami lang nakikisawsaw sa kaniyang kaso.

Lima hanggang pitong biktima pa ang inaasahang magsasampa rin ng kaso laban kay Atendido.

— Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

Nation

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*