Home / Lifestyle / 'Pagpapadala ng balikbayan boxes pinasimple pero delay di maiiwasan'

'Pagpapadala ng balikbayan boxes pinasimple pero delay di maiiwasan'

Para sa mga may kaanak na overseas Filipino workers (OFW): Inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) na "mas pinadali" na ang pagpapadala sa Pilipinas ng balikbayan boxes, na patok tuwing sasapit ang kapaskuhan. 

Sa Customs Memorandum Order (CMO) No. 18-2018, inaalis na bilang requirement ang pagpapakita ng resibo ng mga pinamili bago makapagpadala. 

Nakasaad rin na hanggang tatlong balikbayan boxes kada taon ang puwedeng ipadala nang tax-free, pero hindi dapat lalampas ng P150,000 ang kabuuang halaga ng mga ito. 

Kung dati ay pasaporte ang kailangang ipakita para magamit ang pribilehiyong tax-free na pagpapadala, ngayon ay maaari nang magpakita ng ibang ID basta't may nakasaad na citizenship, pangalan, kaarawan, at lugar ng kapanganakan. 

Ilan umano sa mga puwedeng ipresenta ay resident ID, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) card, o work permit.

DELAY DI MAIIWASAN

Pero ayon sa BOC, kahit mabilis ang transaksiyon sa kanilang mga opisina ay hindi ito garantiya na hindi na makararanas ng pagkaantala sa pagdating ng mga pinadala.

"Iniisip ng tao na BOC ang responsible for the entire chain but then meron kasing pre-Customs clearance 'yan, meron din post… Maganda siguro na piliin natin ang logistics company na ating gagamitin para wala tayong ma-experience na delays," ani BOC spokesperson Atty. Dino Austria. 

Sinabi rin ng presidente ng grupong Door-to-Door Cargo Consolidators Association of the Philippines na ngayong magdi-Disyembre ay asahan na ang delay sa ilang kargamento.

"Sobrang dami ng importasyon, kumbaga puno ang bodega ng Manila International Container Terminal, [ang mga] tambakan ng container puno na eh, kaya meron kaming delay na 10 days, 20 days, 30 days, depende sa dating ng barko… 'Yun ang isyu," ani Joel Longares. 

Siniguro naman ng BOC na wala nang mapeperwisyo ng mga pagnanakaw sa kargamento dahil batay na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinatutupad na ang non-intrusive examination sa lahat ng balikbayan boxes.

Inaayos na rin ng BOC ang pagkakaroon ng online release system order sa mga balikbayan box para mas mapabilis ang proseso.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*