Home / Lifestyle / Pamilya ng namatay na nurse sa Saudi hiling ang hustisya

Pamilya ng namatay na nurse sa Saudi hiling ang hustisya

Kasama si Jessica Kunnig sa tatlong Pilipinong nasawi nang sumalpok ang isang truck sa kanilang kotse sa Riyadh noong nakaraang linggo. Larawan mula sa pamilya Kunnig

ZAMBOANGA CITY – Nais ng pamilya ng isang 40 anyos na babaeng nurse na may managot sa pagkamatay nito sa Saudi Arabia.

Isa si Jessica Kunnig sa tatlong Pilipinong nasawi nang sumalpok ang isang truck sa kanilang kotse sa Riyadh noong nakaraang linggo.

Ayon sa kapatid ni Kunnig na si Freda Peralta, walang makuhang impormasyon ang pamilya mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) sa Zamboanga City kaugnay sa nangyaring aksidente.

Gusto ng kanilang pamilya na malaman kung paano nangyari ang aksidente at kung sino ang may kasalanan nito.

Nais din nila na may managot sa biglaang pagkawala ng kanilang kaanak na breadwinner ng pamilya Kunnig.

Ang panganay na kapatid na nurse ang siyang tumutulong sa mga pangangailagan nilang magkakapatid, dagdag ni Peralta.

Nananawagan naman sa pamahalaan ang pamilya na tulungan silang mapabilis ang pagpapauwi sa mga labi ng kaanak sa Zamboanga City.

Higit 17 taon nagtrabaho si Kunnig bilang nurse sa Saudi Arabia pero nitong Agosto lang umano siya pumasa sa special professional licensure board examination. 

Bago naganap ang aksidente, nagawa pa niya umanong ibalita sa kaniyang pamilya na tataas na rin ang sahod sa pinapasukang ospital.

Nangako naman ang local office ng OWWA na tutulungan nila ang pamilya Kunnig. Makatatanggap umano ang pamilya ng P220,000 financial assistance mula sa insurance firm at dagdag na P15,000 na livelihood assistance.

Sa ngayon ay patuloy na naghihintay ang pamilya sa official report mula sa Department of Foreign Affairs kaugnay sa aksidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Let’s block ads! (Why?)

About

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*